Hinatulan na ng Sandiganbayan 2nd Division si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Comptroller Major General Carlos Garcia matapos ang 12 taon na plea bargaining agreement.
Sa walong pahinang desisyon ng anti-graft court ay hinatulan ng direct bribery si Garcia kung saan may katapat itong pagkakakulong ng apat hanggang walong taon.
Pinagbabayad din ang dating opisyal ng mahigit sa ₱400 million ng korte na tatlong beses na mas mataas kumpara sa isinasaad ng plea bargaining agreement na ₱135 million.
Nakasaad din sa hatol ng Sandiganbayan na hindi makalalabas ng kulungan si Garcia hangga’t hindi nababayaran ng buo ang multa.
Guilty rin ang hatol kay Garcia sa kasong ‘facilitating money laundering’ na may kulong ng apat hanggang anim na taon at multa na ₱1.5 million.
Ang mga kaso ay pinag-ugatan mula sa hindi nito wastong paghahain ng kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) gayundin ang mga nadiskubreng ‘ill-gotten wealth’ ng kanyang pamilya habang nasa serbisyo.