Dating alkalde ng Tiaong Quezon, sinampahan ng kasong perjury

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code na Perjury o Pagsisinungaling ang dating alkalde ng Tiaong, Quezon na si  Ramon Preza  sa  Lucena City Regional Trial Court Branch 53, base na rin sa ipinalabas na resolusyon ng Lucena City Prosecutors Office noong January  11, 2024.

Napag-alaman na ang kaso ay nag-ugat sa di umano’y pagsisinungaling ni Preza nang akusahan niya ng kasong pandaraya at pangloloko ang negosyanteng si Frankie Ong sa perang nagkakahalaga ng halos aabot sa 50 milyong piso.

Pero lumalabas sa imbestigasyon na ang nasabing halaga ay personal na pagkakautang lamang ni Ong sa kanya ayon na rin sa counter-affidavit na isinumite ni Preza sa Makati Prosecutors Office.


Pansamantala namang nakalalaya si Preza matapos maglagak nang 25 libong piyansa dahil sa ipinalabas na warant of arrest  ng korte noong January 19, 2024.

Sakaling mapatunayang nagkasala si Preza sa kasong perjury,  pagkakakulong na hindi bababa sa 6 taon at 1 araw hanggang 10 taon at multang hindi lalampas sa 1 milyong piso ang kanyang kakaharapin.

Matatandaan na kamakailan lamang ay umuusad  na rin ang kasong katiwalian na isinampa laban kay Preza sa Tanggapan ng Ombudsman,  dahil sa di umano’y paggamit niya ng kanyang impluwensiya at kapangyarihan noong alkalde pa ito upang paboran ang ilang negosyo niya.

Facebook Comments