Manila, Philippines – Ipinag-utos na ng Sandiganbayan 3rd Division ang pag-aresto kay dating ARMM Governor at MNLF Founding Chairman Nur Misuari.
Si Misuari ay nahaharap sa 3 counts ng malversation of public funds at 3 counts din ng paglabag sa RA 3019 Section 3 o Anti-graft and Corrupt Practices Act.
Ang mga kasong ito ay nag-ugat sa textbook scam na aabot sa 137.51 Million pesos mula 2000-2001.
Dahil dito, ang mga biniling educational materials sa ARMM noong gobernador pa si Misuari ay kinakitaan ng korte ng probable cause para isyuhan ng warrant of arrest ang lider ng MNLF.
Hindi dumaan sa public bidding ang pagbili ng mga textbooks at iba pang educational materials, wala ding procurement documents, gayundin ang inventory at distribution lists.
Kasama din sa ipinaaaresto ang mga co-accused ni Misuari na sina dating Department of Education Armm Executives Director Leovigilda Cinches, Supply Officer Sittie Aisa Usman, Accountant Alladin Usi, Chief Accountant Pangalian Maniri, COA Auditor Nader Macagaan at supplier Lolita Sambeli.