Dating Assistant District Engineer Brice Hernandez, nilinaw na walang pangalan ng senador sa computer na kanyang ibinigay sa DOJ

Nilinaw ni dating Department of Public Works and Highways) (DPWH) -Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez na walang pangalan ng senador na may kaugnayan sa flood control project sa kanyang computer.

Sa gitna ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay natanong ni Senator Erwin Tulfo ang tungkol sa naging pahayag ng abogado ni Hernandez na si Atty. Raymond Fortun na maraming senador ang sasabit sa maanomalyang flood control projects.

Pero paglilinaw ni Hernandez, “misunderstanding” ang nangyari dahil kongresista aniya ang nilalaman ng kanyang computer taliwas sa unang sinabi ng kanyang abogado na may anim na senador ang sabit sa ghost projects.

Tinukoy ni Hernandez na pangalan ni Cong. Zaldy Co ang naroon sa kanyang computer pero wala namang pangalan ni Speaker Martin Romualdez.

Samantala, itinanggi naman ni dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara na nagkaroon siya ng personal na transaksyon kina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva kaugnay sa mga flood control projects.

Paglilinaw ni Alcantara, hindi niya nakausap ng personal o kahit sa telepono sina Estrada at Villanueva tungkol sa mga proyekto.

Aniya pa, nakita lamang niya noon si Estrada sa kaarawan ng senador nang minsang isinama siya ng mga kasamahan habang si Villanueva ay nakakasama naman niya tuwing may inagurasyon, groundbreaking ng mga projects sa Bulacan at sa iba pang kahalintulad na okasyon.

Facebook Comments