Sasampahan na ng reklamong qualified trafficking ang sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo at ilan pang indibidwal na inireklamo ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at PNP-CIDG noong Hunyo.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, matibay ang ebidensiyang nagdidiin kay Guo sa kasong qualified trafficking dahil sa bagong amyenda sa batas.
Aminado naman si Ty na medyo natagalan ang paglalabas ng pasya sa preliminary investigation dahil sa ilang beses na tinangka ng kampo ni Guo na i-delay ito.
Samantala, nakatakdang ihain ang kaso kina Guo sa susunod na linggo sa korte sa Capas, Tarlac.
Umaasa naman ang DOJ na maglalabas ang korte sa Capas ng commitment order at saka pa lamang magkakasundo kung saan talaga ikukulong ang sinibak na alkalde.
Humiling na rin daw sila sa Supreme Court ng change of venue at ilipat ang mga kaso dito sa Kalakhang Maynila.
Bukod kay Guo, 13 pa ang kinasuhan kabilang si Dennis Cunanan dahil sa kanilang kaugnayan sa sinalakay na iligal na POGO sa Bamban kung saan nasagip ang daan-daang indibidwal na karamihan ay mga dayuhan.