Dating Barangay Kagawad sa Santiago City, Nagsauli ng Napulot na Pera ng Senior Citizen

46

Cauayan City, Isabela- Nagpamalas ng kabutihan ang dating kagawad ng Barangay Mabini makaraang mapulot nito malapit sa kanilang bahay ang nahulog na pitaka ng isang Senior Citizen na naglalaman ng pera at pambili sana ng gamot.

Ayon kay Gener De Leon, hindi sumagi sa kanyang isip na kunin ang pera dahil alam nitong hindi niya pag-aari ang perang napulot kaya’t nagdesisyon itong isauli sa biktima.


Aniya, ipinanawagan nya ang insidente sa pamamagitan ng social media para malaman ng biktima na nasa kanya ang perang hinahanap nito.

Bagama’t matindi ang pangangailangan ng pera ng karamihan ay tiniyak pa rin ni De Leon na maisauli ang pera dahil alam niyang mas higit itong kailangan ng matanda.

Bukod dito, laking tuwa naman ni tatay Rodrigo Soria at kanyang asawa na naibalik sa kanya ang pitakang nahulog na naglalaman ng higit P3,000 para gamitin sa kanyang pangangailangan sa kabila ng kanyang edad.

Sa ganitong sitwasyon, makikita pa rin na may mga tao tulad ni De Leon ang nagpapakita ng isang magandang halimbawa para sa iba.




Facebook Comments