Dating BOC Chief Isidro Lapeña, hindi na pinakakasuhan ng Kamara

Manila, Philippines – Hindi na inerekomenda ng House Committee on Dangerous Drugs at Good Government and Public Accoutability na kasuhan si dating Bureau of Customs Chief Isidro Lapeña kaugnay sa naipuslit na bilyong pisong halaga ng iligal na droga sa bansa noong nakaraang taon.

Batay sa resulta ng dalawang komite, hindi nila nakitaan ng pananagutan si Lapeña sa naturang shipments.

Sa inaprubahang committee report, tanging sina dating Customs intelligence officers Jimmy Guban, dating Police Sr. Supt. Eduardo Acierto at dating Deputy Director Ismael Fajardo ang pinaiimbestigahan at pinakakasuhan ng komite.


Natukoy namang lumabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 sina Vedasto Baraquel, Guban, Fajardo at Acierto dahil sa dalawang magnetic lifters na naglalaman ng shabu at nasakote sa Manila International Container Port.

Inirekomenda rin ng dalawang komite ang pagpapatupad ng mga reporma sa BOC kabilang ang pagkakaroon ng standard operating procedure sa pagsasagawa ng x-ray sa mga hindi pamilyar na bagay.

Dagdag pa sa rekomendasyon ang modernisasyon ng x-ray machines, implementasyon ng “no x-ray, no entry policy”, pagsailalim sa tamang training ng x-ray inspectors, pagkakabit ng CCTV cameras sa ilang partikular na lugar sa mga pantalan at mga opisina ng BOC, at pagsusuot ng body cameras ng Customs inspectors.

Facebook Comments