Dating Budget Sec. Avisado, humarap sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee tungkol sa overpriced na laptops; screenshots ng usapan ng DepEd at PS-DBM, ipinakita sa pagdinig

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa imbestigasyon sa biniling overpriced na laptops ng Department of Education (DepEd), humarap si dating Budget Secretary Wendel Avisado sa panel.

Sa imbestigasyon, naitanong ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino kay Avisado kung may inaprubahan itong request ng conversion ng ₱2.4 billion mula sa maintenance and other operating expenses (MOOE) na dapat sana ay para sa mobile at internet load ng nasa 3.2 million senior high school at pinalitan ng capital outlay para sa pagbili naman ng laptops para sa 68,500 na mga guro.

Subalit, hindi naman maalala ni Avisado kung may natanggap at inaprubahan siyang liham na nagpapa-convert sa budget para sa mobile at internet load ng mga estudyante sa laptops.


Sinabi ni Avisado na dahil wala siyang maalala na natanggap na request letter para sa pagbili ng laptops ay tinatanggap umano niya ang responsibilidad dito.

Samantala, umikot naman ang unang bahagi ng imbestigasyon ngayong araw sa mga screenshots tungkol sa palitan ng mensahe sa Viber group ng DBM-PS Task Force na isinumite ni DepEd Procurement Director Marcelo Bragado.

Ang nasabing grupo ay binubuo ng 13 participants mula sa DepEd at PS-DBM.

Naglalaman naman ang mga screenshots ng palitan ng mensahe tungkol sa proseso ng pagbili ng laptops, pag-obligate ng pondo at ang memorandum of agreement sa pagitan ng dalawang ahensya.

Facebook Comments