Malaki ang hinala ni Senator Panfilo Lacson na may sabwatang naganap o nagpabaya si dating Department of Budget and Management Procurement Service (PS-DBM) Chief Lloyd Christopher Lao sa pag-award ng kontrata para sa pagbili ng face masks, face shields at personal protective equipment sa isang kumpanya na kakatatag pa lamang.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, partikular na kinuwestiyon ni Lacson si Lao sa kabiguan nitong suriin ng mabuti ang kakayahan at legalidad ng Pharmally Pharma Corp.
Ito ay matapos hindi matagpuan ang address na ibinigay ng incorporator nito at wala rin itong naunang tala ng transaksiyon.
Sa hearing ay binanggit din ni Senate minority leader Franklin Drilon na ang nabanggit na kompanya ay nakakuha ng P8.6-bilyong kontrata sa kabila ng pagkakaroon lamang nito ng start-up capital na P600,000 at nabuo lamang noong Setyembre 2019.
Bigla namang lumobo ang deklaradong assets noong 2019 sa P284.9-million noong 2020.
Sa pagdinig ay isiniwalat din ni Drilon ang pagbili ng PS-DBM ng 1.32 million pesos na face shields sa Philippine Blue Cross Biotech Corporation na nakakuha ng iba pang kontrara na nagkakahalaga ng P432.17-million.
Diin ni Drilon, mukhang may pinapaborang suppliers ang PS-DBM na nakakalungkot dahil habang marami ang naghihirap ay mukhang marami rin ang nagpapayaman.