Dating Budget Usec. Lloyd Christopher Lao na unang nasangkot sa Pharmally controversy, posibleng ipatawag sa imbestigasyon ng overpriced na laptops ng DepEd

Posibleng ipatawag sa Senado si dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao matapos na lumutang muli ang pangalan nito sa isyu ng overpriced na pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa laptops para sa Department of Education (DepEd).

Kaugnay na rin ito ng ikakasang imbestigasyon ng Senado tungkol sa overpriced na ₱2.4 billion na halaga ng kontrata ng laptops para sa mga public school teachers.

Si Lao ay matatandaang sangkot din sa Pharmally controversy kaugnay sa mga biniling medical supplies lalo na ang face shield.


Ayon kay Senator Risa Hontiveros, kailangang maipatawag at mapaharap sa pagdinig si Lao dahil maya’t maya na naisasama ang pangalan nito sa mga isyu ng PS-DBM.

Isa rin sa mga aalamin sa pagsisiyasat ng Senado ay kung dapat na bang buwagin ang PS-DBM lalo na kung mayroong nagsasamantala at kung may naganap na sabwatan.

Facebook Comments