Dating Bulacan 1st District Engr., ipina-contempt na

Ipina-cite-for-contempt na rin ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara dahil sa umano’y pagsisinungaling nito tungkol sa mga maanomalyang flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.

Sa pagdinig ng Blue Ribbon at sa naging pagtatanong ni Senator JV Ejercito ay nanindigan si Alcantara na wala siyang nalalaman sa mga ghost projects at paglobo ng pondo sa kanyang distrito gayong siya ang itinuturo ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez na mastermind sa mga ghost projects.

Maging kung sino ang mas mataas na opisyal sa kanya na nakakaalam ng mga insertions sa flood control o kung sinong mataas na opisyal sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kasabwat nila sa mga ghost projects ay wala ring nalalaman si Alcantara.

Umalma na rito si Senator Erwin Tulfo at kanyang iginiit na sa mga nakalipas na pagdinig ay nagsisinungaling si Alcantara dahil imposible na lahat ng mga taong nasa baba niya ay may kasalanan pero siya ay wala.

Sa tingin ni Tulfo ay nagsisinungaling si Alcantara at hindi bumenta sa mga senador ang kanyang katwiran kaya sa huli ay nagmosyon ang senador na i-contempt ang dating Bulacan DPWH official na inaprubahan naman agad ng Blue Ribbon Committee.

Facebook Comments