
Pinalilipat na ng Senado sa Pasay City Jail si dating Bulacan Asst. District Engr. Brice Hernandez mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.
Ito ang naging consensus ng mga senador matapos ang nangyaring pagtatalo sa sesyon ng mayorya at minorya tungkol sa status ni Hernandez dahil kinukwestyon ng mga minority senators kung bakit hindi ibabalik si Hernandez sa Senado.
Nagmosyon si Senator Jinggoy Estrada na ilipat si Hernandez sa Pasay City Jail, na mas malapit sa Senado, at ito ay sinegundahan ni Senate Majority Leader Migz Zubiri.
Agad naman itong inaprubahan ni Senate President Tito Sotto III.
Bago magkasundo ang mga mambabatas na ilipat si Hernandez ng kulungan ay nanindigan sina Senator Rodante Marcoleta at Senator Ronald Bato dela Rosa na dapat i-detain sa Senado si Hernandez.









