Dating chief-of-staff ni dating Sen. Enrile, nakalaya na mula sa Taguig City Jail

Kinumpirma ng Supreme Court (SC) insider na nakalabas na ng Taguig City Jail Female Dormitory ang dating chief-of-staff ni dating Sen. Juan Ponce Enrile na si Jessica Lucila Reyes o mas kilala sa tawag na Gigi Reyes.

Ito ay matapos ipag-utos ng Korte Suprema ang pagpalaya kay Reyes.

Sa 19 pahinang desisyon ng SC First Division, kinatigan nito ang inihaing petition for habeas corpus ni Reyes.


Nakasaad naman sa kautusan ng Korte Suprema na kailangang dumalo ni Reyes sa pagdinig ng kanyang kasong plunder.

Kailangan din niyang magsumite quarterly ng periodic report sa clerk of court ng Sandiganbayan at humingi ng pahintulot mula sa Sandiganbayan kapag siya ay bibiyahe sa abroad, at kailangan din niyang magpakita sa Sandiganbayan kapag siya’y nakabalik na ng bansa.

Kailangan ding mag-report ni Reyes quarterly sa Clerk of Court ng SC kaugnay ng kanyang ginawang pagtupad sa kautusan ng high tribunal.

Una nang hiniling ni Reyes sa Supreme Court na siya’y mapalaya dahil sa unreasonably delayed sa pagdinig sa kanyang kaso.

Iginiit ni Reyes sa kanyang petition na nalalabag ang kanyang karapatan sa speedy trial o ng Section 14, Art III ng Saligang Batas.

Iginiit din nito na ang kanyang pagkakapiit noong July 9, 2014 ay iligal at paglabag sa due process.

Facebook Comments