Iginiit ni dating Commission on Elections (COMELEC) Chairperson at dating Sandiganbayan Associate Justice Harriett Demetriou, na ang tamang forum para sa ventilation ng mga isyu ay ang hukuman kung saan ang kriminal na kaso laban kay Fr. Winston Cabading ay nakasampa ngayon at hindi ang social media platform.
Ayon sa dating mahistrado, dapat maunawaan ng publiko na si Fr. Cabading ay inaresto dahil sa paglabag nito sa Article 133 ng revised penal code o ang pangungutya sa religious belief na isang Statutory Law of the Philippines at hindi ng anumang katolikong doktrina.
Nauna nang pinaaresto ng korte si Fr. Cabading makaraang makitaan ni Judge Madonna Echevirri ng Quezon City Regional Trial Court Branch 81 na may merito ang inihaing paglabag sa Art. 133 ng revised penal code o mas kilala sa tawag na offending religious feeling.
Nauna nang naghain ng nabangit na reklamo si dating Justice Demetriou laban kay Fr. Cabading bilang isang miyembro ng Archdiocese of Manila-Office of Exorcism dahil sa mga pahayag ni Cabading sa isang lecture nito na pinamagatang “basic catholic theology on angels and demons, na ang mga aparisyon ng Birhen Maria sa Lipa City sa batangas noong 1948 ay “demonic” daw.
Aniya, notoriously offensive ito dahil hindi lamang ang our lady of mediatrix ang kinukutya ni Fr. Cabading kundi ang lahat ng deboto ng mahal na birhen.
Kaugnay nito’y nakapaghain na ng piyansa si Fr. Cabading na ₱18,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.