Binatikos ni dating Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon, ang desisyon ng First Division na ibasura ang disqualification case laban kay presidential candidate Bongbong Marcos Jr.
Batay sa 41 pahinang resolusyon na sinulat ni Commissioner Aimee Ferolino, ibinasura umano nila ang kaso dahil sa “lack of merit”.
Iginiit ni Guanzon, na na-convict na noon si Marcos dahil mayroong batas na nagpaparusa sa hindi paghahain ng Income Tax Return.
Ayon sa inihaing petisyon, hindi na pwedeng tumakbo si Marcos sa public office dahil sa pagkabigo nitong maghain ng kaniyang ITR mula 1982 hanggang 1985.
Pero nakasaad sa ruling na hindi isang krimen na may kaugnayan sa moral turpitude ang non-filing ng Income Tax Returns.
Matatandaang bago magretiro si Guanzon ay ibinunyag niyang bumoto siyang pabor sa disqualification pero hindi na ito kasama sa binilang na boto ngayon.