Dating COMELEC Commissioner, Tatapatan ang Kandidatura ni Inno Dy

Cauayan City, Isabela- Nasa 17 kandidato sa pagka-kongresista ng Isabela ang naghain ng kanilang kandidatura para sa halalan 2022.

Sa unang distrito, makakalaban ni incumbent Congressman Antonio “Tonypet” Albano si Stephen Soliven habang sa ikalawang distrito ay makakatunggali naman ni incumbent Congressman Ed Christopher Go sina Elizabeth Magora, Gerryl Harold Respicio at Faustino Randy Reyes.

Tiyak naman ang panalo sa halalan ni incumbent Congressman Ian Paul Dy dahil sa “Unopposed” o walang kalaban sa pagiging kongresista ng ikatlong distrito ng Isabela.


Magtatagisan naman ng karisma kung sino ang ihahalal sa ikaapat na distrito matapos maghain ng kanilang kandidatura sina incumbent Mayor Joseph Tan ng Santiago City na hahaliling tumakbo sa pagka-kongresista matapos magdesisyon na tumakbo sa pagka-alkalde ang kanyang pamangkin na si incumbent Congresswoman Atty. Sheena Tan.

Makakalaban ni Mayor Tan sina Jenny Agustin Coquilla, Monching Espiritu, Lucas Florentino at Ellen Gabriel.

Dalawa naman ang humamon kay incumbent Congressman Faustino Michael Carlos Dy III sa pagiging kongresista ng ika-limang distrito matapos maghain ng kandidatura sina Christine Uy at Gilbert San Pedro.

Samantala, tatapatan naman ni dating COMELEC Commissioner Atty. Armando Velasco sa pagka-kongresista ng ika-anim na distrito si incumbent Congressman Faustino “Inno” Dy, anak ni Vice Governor Bojie Dy.

Facebook Comments