Dating Cong. Zaldy Co, pansamantalang nagpaalam sa Ako Bicol Party-list

Screenshot from House of Representatives/YouTube

Matapos magbitiw bilang miyembro ng Kamara ay pansamantala ding nagpaalam si dating Congressman Elizaldy Co bilang miyembro ng Ako Bicol Party-list.

Nakasaad ito sa liham ni Co na naglalaman ng kanyang Leave of Absence sa partido hanggang sa maging ligtas na para sa kanya na bumalik sa Pilipinas para gampanan ang tungkulin sa partido at para harapin ang mga hindi totoong paratang sa kanya.

Binigyang diin ni Co na mabigat ang ikinalat na mga kasinungalingan at walang basehang paratang laban sa kanya na nag-dulot ng galit ng publiko sa kanya at sa kanyang pamilya.

Sabi ni Co, bunsod nito ay kailangan niyang protektahan ang sarili at kanyang pamilya dahil nalalagay ngayon sa matinding panganib ang buhay nila.

Tiniyak naman ni Co, na kahit siya ay naka-leave ay magpapatuloy pa rin ang Ako Bicol Party-list sa mga programa at serbisyong may puso para sa bawat Bicolano.

Sa ngayon ay si Rep. Alfredo Garbin ang nananatiling kinatawan ng partido sa Kamara at wala pang pormal na anunsyo para sa magiging kapalit ni Co.

Facebook Comments