
Pinalutang ni Senate President pro-tempore Ping Lacson ang posibilidad na maaaring taktika ni dating Cong. Zaldy Co ang pagsasapubliko ng kanyang kinaroroonan.
Kaugnay na rin ito sa petisyon na sinumpaan at nilagdaan ni Co sa Stockholm, Sweden noong Enero 15 at isinumite sa Korte Suprema na nagpapatigil sa Office of the Ombudsman na sampahan siya ng kaso.
Ayon kay Lacson, maaaring taktika ito upang iligaw ang mga sumusubaybay sa kanya lalo’t may impormasyon naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na natunton si Co sa Portugal.
Ang isinumiteng dokumento aniya ni Co ay hindi nangangahulugan na permanente itong nasa Sweden at hindi naman malabong lumipat din ito ng lugar para hindi masundan at nagpapirma lang ito ng salaysay roon.
Samantala, sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee ay sinabi ni Lacson na posibleng ipa-contempt at ipaaresto si Co kasama ang iba pang pina-subpoena pero hindi nagpakita sa pagdinig.










