
Naglabas ng ikatlong video si dating Congressman Elizady Co kung saan niya idinetalye na noong March 2025 pa lang ay nagparinig na sa kanya si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na babarilin umano sya nito kung magsasalita sya.
Kwento pa ni Co, habang sya ay nasa ibang bansa ay tinawagan sya ni Romualdez at sinabihan na delikado kung uuwi sya sa Pilipinas dahil maaring magbayad sila ng papatay sa kanya o ipalikida sya habang nasa bilangguan.
Ayon kay Co, marami pa syang nais bigyang liwanag kaugnay sa budget insertions at maanumalyang flood control projects kabilang na ang sinabi sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara ukol sa P21 billion na halaga ng kickback.
Giit ni Co, hindi P21 billion kundi P56 billion ang halaga ng kickback na napunta umano kina Pangulong Bongbong Marcos at Romualdez.
Muli ay binigyang-diin ni Co na walang perang napunta sa kanya dahil dumaan lang ang pera sa kanya para ideliver kina Romualdez at President Marcos.









