Kasunod ng mga pag-aresto sa mga malalaking personalidad na nahaharap sa patung-patong na kaso, sinabi ng Department of Justice na malapit nang mapauwi sa Pilipinas si dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr.,
Ito ay matapos hindi pagbigyan ng Court of Appeals sa Timor Leste ang hiling ng kampo ni Teves na ibasura ang extradition laban sa kaniya.
Sa ambush interview kanina kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi nitong ngayong buwan uuwi ng bansa si Teves at may mga nakalatag nang gagawin sa pagsundo sa kaniya.
Si Teves ay nahaharap sa patung-patong na kaso at iniuugnay sa pagkamatay ni dating Governor Roel Degamo at siyam pa noong nakaraang taon.
Siya rin ang itinuturong nasa likod ng serye ng patayan sa lalawigan noong 2019.
Samantala, sinabi pa ni Remulla na isusunod na rin nila si dating Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag na kasalukuyan pa ring nagtatago sa batas.