Dating Customs Commissioner Faeldon, isinangkot sa smuggling ang anak ni Senator Ping Lacson na si Panfilo Lacson, Jr.

Manila, Philippines – Matapos siyang pangalanan na isa sa mga corrupt official sa Bureau of Customs, bumuwelta si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at inakusahan na smuggler ang anak ni Senator Panfilo Lacson na si Panfilo “Pampi” Lacson Jr.

Ayon kay Faeldon, number one cement smuggler ang “Buon Giorno” ang kompanya ni Pampi na kumikita ng bilyong piso, kahit dalawampung libong piso lang ang kapital.

Hamon ng dating BOC chief sa Senate Blue Ribbon Committee, imbestigahan ito dahil hindi siya naniniwala na hindi alam ni Lacson ang ginawa ng anak na nangtangka pang manuhol.


Sinabi naman ni Lacson na wala siyang partisipasyon sa hanap-buhay ng anak at handa siyang pa-imbestigahan mismo si Pampi.

Ayon kay Lacson, kahit tiniyak sa kaniya ni Pampi na wala siyang itinatagong kahit na ano, pinapayuhan niya itong harapin ang alegasyon.

Nagtataka si Lacson kung bakit ngayon lang ibinulgar ito ni Faeldon, isang araw matapos ang kanyang privilege speech kaugnay sa mga tumatanggap ng tara sa BOC.

Facebook Comments