
Nabigong humarap bilang testigo ng prosekusyon sa ika-22 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte si dating Department of Education (DepEd) Special Disbursing Officer (SDO) Edward Fajarda.
Ayon kay House Prosecutor at Manila Representative Joel Chua, nagpadala ng liham sa Prosecution kagabi si Fajarda kung saan nakasaad ang payo ng doktor na magpahinga sya ng 30 araw matapos ma-stroke.
Bunsod nito ay ipinresenta na lang sa impeachment court ni Private prosecutor Atty. Rey Robles ang mga dokumentong may kaugnayan kay Fajarda tulad ng kanyang appointment, cash withdrawals, transfer of funds, at dokumentong konektado sa confidential funds na may pirma ni VP Duterte.
Diin ni Robles, malaki ang papel ni Fajarda sa paggamit ng ₱112.5M confidential funds ng DepEd sa panahong si VP Sara ang kalihim nito.
Ipinirisenta naman sa impeachment trial ni Private prosecutor Atty. Mae Divinagracia ang testigo na si Philippine Statistics Authority Assistant National Statistician Marizza B. Grande.
Umikot ang testimonya ni Grande sa confidential fund liquidation documents na nagsasaad ng 1,685 mga pangalan na batay sa PSA ay walang record ng kapanganakan, kasal at pagkamatay habang ang iba ay lumabas na mga bata o baby pa o kaya ay patay na.
Ayon kay Grande 1,287 sa mga pangalang ito ay mula sa OVP habang 398 naman ay mula sa DepEd.
Aminado rin si Grande na bukod sa walang PSA records ay hindi rin pangkaraniwan ang ilan sa mga pangalan na kanilang sinuri tulad ng Mary Grace Piattos, Arthur Baon, Ralph Josh Bacon, Beverly Claire Pampano, Mathew Keso, Tomas Panda, Timon Angelo Pusa, Tina Maching at iba pa.










