Dating DILG Secretary Roxas at dating Senate President Drilon, tinangkang iugnay sa iligal na droga ng nakaraang administrasyon

Isiniwalat ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa House Quad Committee ang tangkang pagdawit ng administrasyong Duterte kina dating Senators Mar Roxas at Franklin Drilon sa iligal na droga.

Ayon kay Mabilog, isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nagtimbre sa kanya ng plano na gamitin sya para ituro sina Roxas at Drilon na may koneksyon sa illegal drugs.

Sabi ni Mabilog, ang impormasyon na yan ay ibinahagi sa kanya matapos siyang hikayatin na bumalik sa Pilipinas ni dating PNP Chief at ngayon ay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.


Ayon kay Mabilog, naniniwala siyang politika ang dahilan kaya siya isinama sa listahan ng narco-list at ilang beses na pinagbantaang papatayin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinukoy ni Mabilog na ito ay dahil pinsan nya si dating Senate President Franklin Drilon, sa kanya din ibinintang ang pagkawala ng kuryente habang may campaign rally sa Iloilo noon ang kampo ni Duterte.

Binanggit din ni Mabilog ang kabiguan nyang mapagbigyan ang hiling ni Duterte noong panahon ng kampanya na makausap sya at ang madalas na pagkukumpara ng Iloilo sa Davao City.

Facebook Comments