Dating Director General ng FDA, inirereklamo ng mga Grupo at indibidwal

 

Inaabangan na ng Palasyo ng Malacañang ang mga pormal na reklamo o ang mga sworn statements ng mga grupo at indibidwal na nagsasabi na mayroong mga iregularidad sa Food and Drugs Administration o FDA sa pamumuno ng sinibak na si dating Director General Nela Charade Puno.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, mayroon kasing mga natanggap na reklamo si Pangulong Duterte laban kay Puno mula sa ilang grupo tulad ng ilang pharmaceutical at health care companies at maging mula sa personal nitong doctor.

Sinabi ni Panelo na sa oras na matanggap na ang mga sinumpaang salaysay ay agad nila itong ibibigay sa Department of Justice upang mapag-aralan at madetermina kung anong kaso ang dapat isampa laban kay Puno.


Magkasabay din aniya na iimbestigahan ng Presidential Anti-Crime Commission at DOJ ang kaso ni Puno.

Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng pahayag ni Puno na wala siyang alam na mayroong mga reklamo laban sa kanya at iginiit nito na marami siyang nakabangga na mga malalaking pangalan habang siya ay namumuno sa FDA.

Facebook Comments