Nagsalita na si dating Department of National Defense (DND) Officer-In-Charge Jose Faustino Jr., kaugnay ng pagbibitiw niya sa puwesto kamakailan.
Ayon kay Faustino, isinumite niya ang kanyang “irrevocable letter of resignation” kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Enero 6 matapos na malaman lamang mula sa mga balita at social media reports ang tungkol sa panunumpa sa Malacañang ni General Andres Centino bilang nagbabalik na pinuno ng Armed Forces of the Philippines.
Matatandaang itinalaga ng pangulo si Centino sa posisyon kapalit ni Lieutenant General Bartolome Bacarro na naging AFP chief sa loob lamang ng limang buwan.
Samantala, sabi ni Faustino, hindi niya hahayaang masira o mapulitika ang reputasyon ng AFP dahil nangako siyang pananatilihin ang mataas na pagpapahalaga sa organisasyon.
Hindi naman na ipinaliwanag o idinetalye ni Faustino ang kanyang pahayag.
Pinalitan si Faustino ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr., bilang pinuno ng DND.
Nagbitiw na rin sa puwesto ang ilan pang opisyal ng Department of National Defense kasunod ng resignation ni Faustino.
Ayon kay DND Spokesperson Arsenio Andolong, kasamang nagbitiw ni Faustino ang pito hanggang siyam na opisyal na kinabibilangan ng mga undersecretary at assistant secretary.
Pero paglilinaw niya, ang pagbaba sa puwesto ng mga nasabing opisyal sa ilalim ng bagong liderato ay normal dahil nakagawian na ito at bahagi ng procedure bilang mga coterminous official.
Tiniyak naman ni Andolong na tuloy ang operasyon ng DND sa kabila ng mga resignation.