Dating DOH Secretary Garin at 9 na iba pa, pinakakasuhan na sa korte kaugnay ng Dengvaxia Case

Pinasasampahan na ng Department of Justice (DOJ) ng patong-patong na kaso sina dating Health Secretary Janet Garin at siyam na iba pa kaugnay ng ikalawang batch ng Dengvaxia case.

Sa 78 pahinang resolusyon ng DOJ, kasama sa mga pinasasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide sa korte ang mga opisyal ng Food and Drug Administration (FDA), Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Sanofi Pasteur, Inc. (Sanofi).

Nakitaan din ng panel ng sapat na basehan para sampahan ng kaso ang presidente ng Sanofi Pasteur, Inc. dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines dahil sa pag-manufacture sa Dengvaxia vaccine.


Lumalabas din sa imbestigasyon ng DOJ panel na ang clinical trials ng Dengvaxia vaccine ay hindi pa nakumpleto para sa mass immunization program nang bilhin ito ng nakalipas na administrasyon.

Sa kabila raw ng nagpapatuloy pa noon na clinical trials sa naturang bakuna ay inaprubahan daw ng FDA ang registration ng bakuna.

Sinabi pa ng panel na naging pabaya si Garin at iba pang respondents sa pagpapatupad ng immunization program ng pamahalaan.

Bigo rin daw ang respondents na abisuhan ang Dengvaxia recipients at kanilang mga magulang hinggil sa panganib ng naturang bakuna.

Sa ikalawang batch ng Dengvaxia case, walong batang sinasabing naturukan ng anti-dengue vaccine ang namatay.

 

Facebook Comments