Dating DOJ Sec. Aguirre at Mon Tulfo, nagbatuhan ng akusasyon sa pagdinig ng Senado ukol sa “pastillas scam”

Nagsabong sina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre III at dating Special Envoy to China Ramon Tulfo sa pagdinig ukol sa “pastillas scheme” ng Committee on Women, Children and Family Relations na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros.

Giit ni Tulfo, si Aguirre ang pinuno at protektor ng “pastillas scheme” sa Bureau of Immigration (BI) kung saan hinihingan umano ng suhol ang mga Chinese nationals kaya sila ay madaling nakakalabas-pasok sa bansa.

Sa pagdinig ay nagpresenta pa si Tulfo ng mga larawan at video na nagpapakita sa isang dilaw na helicopter na luma-landing sa hometown ni Aguirre sa Mulanay, Quezon dala umano ang malaking halaga ng salapi na kinita ni Aguirre sa scam.


Mariin namang itinanggi ni Aguirre ang akusasyon, imbento at wala raw ebidensya dahil bunga lang ng galit ni Tulfo ng tanggihan niya ang request na pagsamahin ang 72 nitong libel cases na isinampa ng Iglesia ni Cristo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Diin ni Aquirre, kaibigan niya dati si Tulfo at siya pa ang nag-abogado rito nang sampahan ng kaso nina Raymart Santiago at Claudine Baretto pero sinungaling daw ito kaya hindi na nire-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ganti ni Tulfo, bobo raw si Aguirre kaya sinibak sa Department of Justice (DOJ) na ayon kay Aguirre ay hindi totoo dahil siya ay nag-resign at hindi sinibak.

Hinamon pa ni Aguirre si Tulfo na kasuhan siya kung totoo ang mga alegasyon sa kanya kaugnay sa pastillas scheme.

Facebook Comments