Itinanggi ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na pinilit niya si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos na tumestigo laban kay Senador Leila de Lima.
Ito ay matapos pabulaanan ni Ragos ang nauna nitong testimonya na nag-deliver siya ng pera kay De Lima na noo’y kalihim ng Department of Justice (DOJ) at inamin na pinilit lamang siyang mag-imbento ng alegasyon laban sa senador.
Iginiit naman ni Aguirre na hindi siya sangkot sa anumang pamimilit hinggil sa mga kaso ni De Lima sa drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Boluntaryo aniyang iprinesenta sa kanya ni Ragos ang kanyang mga statement laban kay De Lima.
Paliwanag pa ng dating kalihim na umalis na siya sa DOJ noong June 2018 bago pa ang pagtestigo ni Ragos sa korte sa Muntinlupa noong 2019.
Samantala, kwinestyon naman ni Aguirre ang motibo ni Ragos at kung bakit biglang bumaliktad ito ngayong nalalapit na ang araw ng halalan.