
Tuluyang pina-contempt na ng Senate Blue Ribbon Committee ang dating Assistant District Engineer ng DPWH-Bulacan First District Engineering Office na si Engr. Brice Ericson Hernandez.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, nagmosyon si Senator Erwin Tulfo na ipa-cite in contempt na si Hernandez na sinegundahan naman ni Senator Jinggoy Estrada matapos na itangging hindi siya nagca-casino sa OKADA at hindi siya gumagamit ng ibang pangalan sa pagsusugal.
Pero sa pagdinig ay ipinakita ni Senator Jinggoy Estrada ang larawan ni Hernandez na ang gamit na pangalan o alyas sa isang Land Transportation Office (LTO) issued ID ay Marvin Santos de Guzman.
Ipinakita naman ni Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta ang record mula sa OKADA na magpapakita na nagsusugal dito si Hernandez kung saan sa mga buwan ng Marso, Abril, Mayo, Hunyo at Hulyo ay nakapagpanalo at nagpatalo ito ng milyon-milyong halaga ng pera.
Napag-alaman pa na aabot lamang sa P70,000 kada buwan ang sahod ng isang assistant district engineer na lalong nagpataas sa duda ng mga senador kung saan nito kinukuha ang milyon-milyong pisong ipinang-ca-casino.
Hindi rin maipaliwanag ni Hernandez kung papaano siya nakabili ng mga mamahaling kotse at motor tulad ng Lamborghini Urus, Dodge Challenger, Toyota supra, 2022 Ducati at BMW R1250.
Gayunman, kahit na-contempt na ay pinaninindigan pa rin ni Hernandez na hindi siya nagsisinungaling.









