
Umapela sa Kamara ng pag-iingat sa seguridad para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya si dating Department of Public Works and Highways o DPWH Engr. JP Mendoza.
Sa pagdinig ngayon ng House Infrastructure Committee ay inihayag ni Mendoza na nakakatanggap sya ng pagbabanta sa buhay.
Sabi ni Mendoza, noong September 1 o bago ang unang hearing ng komite ukol sa maanumalyng flood control projects ay may nagpadala ng death threat sa kanya sa Viber na ang pangalan ay “hitman” at tumatawag din ito sa kanya kanina habang sya ay humaharap sa pagdinig.
Tiniyak naman ni Committee co-Chairperson Terry Ridon na agad nilang tatalakayin ang pagbibigay ng seguridad kay Mendoza pagkatapos ng hearing ngayong araw.
Sa hearing ngayong araw ay nagpakita si Mendoza at dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, ng mga larawan ng conversation sa pagitan umano ni Senator Joel Villanueva at dating DPWH District Engineer Henry Alcantara patungkol sa flood control projects sa Bulacan.
May ipinakita din silang conversation mula naman sa isang Beng Ramos na umano’y staff naman ni Senator Jinggoy.
Si Hernandez ay nagpakita din ng mga larawan na aniya’y nagpapahiwatig na super close umano ni Senator Jinggoy Estrada at dating District Engineer Henry Alcantara.
May mga larawan ding ipinrisinta si Hernandez sa hearing na nagpapakita ng bultu-bultong pera na aniya’y idi-deliver sa mga proponent ng flood control projects.









