
Nasa ilalim na ng protective custody ng Kamara si dating Department of Public Works and Highways o DPWH Bulacan 1st District Assistant Engr. JP Mendoza at ang kanyang pamilya.
Sinabi ito ni House Infrastructure Committee Co-Chairman Rep. Terry Ridon matapos ang pagdinig ukol sa maanumalyang flood control projects.
Sa hearing kanina ay humingi si Mendoza sa komite ng proteksyon sa seguridad nya at kanyang pamilya dahil nakakatanggap daw sya ng pagbabanta sa kanyang buhay.
Kwento ni Mendoza sa hearing, may nag-message sa kanya sa Viber at tumatawag na ang pangalan ay “hitman.”
Bunsod nito ay sinabi ni Ridon na inaayos ng House Sergeant-At-Arms ang mga kailangan para sa pansamantalang pamamalagi ni Mendoza at kanyang pamilya sa Batasan Complex.
Sa hearing ngayong araw ay katuwang si Mendoza ni Bulacan First District Engineering Office Assistant District Engineer Brice Hernandez sa paglalabas ng mga larawan kung saan makikitang magkasama sina Senator Jinggoy Estrada at dating District Engineer Henry Alcantara.
May mga larawan din ng mga limpak-limpak na salapi na para umano sa proponents ng Flood Control Projects at larawan ng mga conversation kay Senator Joel Villanueva.









