Monday, February 16, 2026

Dating DPWH Sec. Bonoan, naghain ng counter-affidavit sa reklamong plunder sa DOJ; kinumpirmang muling lilipad patungong America

Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ngayong Lunes ng hapon para sumalang sa preliminary investigation sa reklamong plunder kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Sa ambush interview, sinabi ni Bonoan na naghain siya ng counter-affidavit kung saan kinumpirma rin ng dating kalihim na nakatakda siyang bumiyahe patungong Estados Unidos at pinayagan siya ng Justice Department.

Sasamahan ni Bonoan ang kaniyang asawa na sasailaim sa medical procedure sa America.

Noong Nobyembre ng nakaraang taon nang lumipad din pa-America ang dating kalihim at bumalik ng bansa nitong January 18.

Nananatili sa Immigration Lookout Bulletin Order si Bonoan kasama ng iba pang personalidad na sangkot sa flood control scandal.

Samantala, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na sa February 16 at 23 naman sasalang sa preliminary investigation si Senador Jinggoy Estrada na kasama ni Bonoan sa inireklamo ng plunder.

Facebook Comments