
Posibleng ipatawag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel “Manny” Bonoan kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon sa ICI, may mga isyung kailangang sagutin at ipaliwanag ni Bonoan, kabilang ang mga umano’y maling grid coordinates na isinumite kaugnay ng ilang flood control projects.
Sinabi ng komisyon na iimbitahan ang dating kalihim sa sandaling maipagpatuloy ang opisyal na operasyon ng ICI.
Sa ngayon, wala pa ring itinalagang mga bagong komisyoner si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya hindi pa tuluyang naipagpapatuloy ang imbestigasyon.
Batay sa Executive Order No. 94, bilang isang collegial body, maaari lamang magsagawa ng opisyal na aksyon ang ICI kung may mayoryang pahintulot ng mga miyembro nito.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na patapos na ang mandato ng komisyon, matapos umanong maimbestigahan ang mga pangunahing isyu kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects.
Sa kasalukuyan, wala pang pinal na desisyon ang Pangulo kung magtatalaga ng mga bagong komisyoner, kasunod ng pagbibitiw nina dating DPWH Secretary Babes Singson at Rossana Fajardo.










