
Humarap pa rin sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa mga maanomalyang flood control projects si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Epektibo ngayong araw ay wala nang official capacity si Bonoan sa ahensya matapos na palitan ni DPWH Sec. Vince Dizon.
Sa pagdinig ay sinabi ni Bonoan na dumalo siya bilang pagsunod na rin sa subpoena na isinumite ng komite.
Nagpa-excuse naman si Bonoan dahil wala na nga siyang kapasidad na kumatawan sa DPWH at pumayag naman dito si Committee Chairman Rodante Marcoleta.
Samantala, ang naging tanong lang kay Bonoan ay kung naimbestigahan ba ng DPWH kung nagpahiram ng lisensya bilang construction firm ang Alpha and Omega ng mga Discaya kaya nakakuha ng daan-daang mga proyekto.
Sinagot ni Bonoan na maaaring sa local na lebel nangyayari ang pagpapagawa sa ibang kontrata pero sa huli, pananagutan pa rin ang mga proyekto ng mismong ka-kontrata ng DPWH.
Matapos ang bahagi ng pagtatanong na ito ay pinayagan na ma-excuse si Bonoan.









