
Wala pang kasiguruhan ang Department of Justice (DOJ) kung kailan uuwi ng Pilipinas si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Ayon kay Justice Secretary Eric Vida, sumulat sa kaniya ang abogado ni Bonoan bago mag-Pasko.
Ipinaalam daw sa kaniya na hindi makakauwi ang dating kalihim sa petsang ipinaalam nito dahil nagkaroon ng problema sa pagpapagamot ng kaniyang asawa.
Tinanong naman ni Vida kung kailan ang eksaktong petsa ng pagbabalik nito at humingi rin ng impormasyon kung saan nananatili pero wala pa raw itong tugon ngayon.
Umalis ng Pilipinas si Bonoan noong Nobyembre ng nakaraang taon para samahan ang kaniyang asawang sumalang sa medical procedure sa Estados Unidos.
Nakatakda sanang bumalik sa Pilipinas si Bonoan matapos ang mahigit isang buwan o noong December 17.
Idinadawit ang dating DPWH Secretary sa isyu ng maanomalyang flood control projects.










