Dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, sinadyang maliin ang grid coordinates sa maanomalyang flood control projects — Lacson

Isiniwalat ni Senator Ping Lacson na sinadya umano ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na magsumite ng maling grid coordinates ng mga flood control project sa Malacañang, partikular sa Sumbong sa Pangulo website.

Ayon kay Lacson, nagdulot ito ng maling datos sa imbentaryo ng mga proyekto, kabilang ang 421 ghost projects na naunang ininspeksyon ng mga ahensya matapos sumiklab ang isyu ng korapsyon sa flood control projects.

Paliwanag ng senador, dahil mali ang ibinigay na grid coordinates, wala talagang matutunton na aktuwal na proyekto sa mga lugar na tinukoy, kaya nagmumukhang “ghost projects” ang mga ito.

Giit ni Lacson, dapat ay mas mababa pa sa 421 ang bilang ng ghost projects kung hindi umano sinadyang maliin ng dating kalihim ang impormasyong isinumite.

Dahil dito, ipinapa-subpoena duces tecum ng Senado ang mga dokumentong may kinalaman sa grid coordinates. Sa ngayon, ayon kay Lacson, itinama na ng DPWH ang naturang maling impormasyon.

Ipinatawag din sa susunod na pagdinig si Bonoan, na kasalukuyang nasa Estados Unidos. Sakaling hindi ito dumalo, maaari umanong i-cite in contempt ang dating kalihim at maglabas ng warrant of arrest ang Senado.

Dagdag pa ni Lacson, bagama’t hindi umano principal si Bonoan sa maanomalyang flood control projects, naniniwala siyang may mabigat na pananagutan ang dating kalihim sa umano’y cover-up o pagtatakip ng mahahalagang impormasyon at ebidensya.

Facebook Comments