Dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, pinadadalo na rin sa imbestigasyon ng ombudsman

Umaasa ang Office of the Ombudsman na haharap si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa nagpapatuloy na fact-finding investigation sa mga anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.

Naniniwala si Assistant Ombudsman Mico Clavano at Spokesperson na mahalaga ang papel na gagampanan ni Bernardo sa imbestigasyon.

Aniya, kailangan ng Ombudsman ang testimonya ni Bernardo para matukoy ang naging sistema ng budget insertions sa Kongreso.

Kasama na rito ang naging papel ng appropriations committee at kung sino-sinong mambabatas ang posibleng sangkot.

Paliwanag ni Clavano, bagama’t madali nang patunayan ang pananagutan ng mga district engineer na sangkot sa mga substandard at ghost projects nais lang ng Ombudsman na panagutin din ang mga mas mataas na opisyal partikular na ang mga nasa Kongreso.

Una nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kabilang sa mga unang posibleng kasuhan sa Sandiganbayan si dating Representative Zaldy Co, dating Chairperson ng House appropriations committee.

Facebook Comments