Dating DSWD Secretary Dinky Soliman, pumanaw na

Pumanaw na sa edad na 68 si dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Corazon “Dinky” Soliman.

Ang pagpanaw ng dating kalihim ay binanggit ni Vice President Leni Robredo sa kanyang Sunday program sa RMN-DZXL 558.

Alas-7:32 kaninang umaga nang pumanaw si Soliman dahil sa komplikasyon mula sa renal at heart failure.


Agosto nang magpositibo siya sa COVID-19 gayundin ang kanyang asawang si Atty. Hector Soliman at iba pang miyembro ng kanilang pamilya pero sila ay gumaling din.

Umapela naman ng pamilya Soliman ng panahon at privacy para makapagluksa.

Unang nagsilbing kalihim ng DSWD si Soliman noong panahon ng administrasyon ni Dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo pero nagbitiw kasama ang iba pang Cabinet official matapos na maakusahan si Arroyo ng pandaraya noong 2004 presidential elections.

Bumalik siya sa tungkulin sa DSWD nang mahalal na pangulo ng bansa si Benigno “Noynoy” Aquino III.

Facebook Comments