Dating ES Bersamin, hindi raw nag-resign kundi sinabihan lang na umalis sa pwesto

Inilantad ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin ang aniya’y malaking “mismatch” sa anunsyo ng Palasyo noong Lunes hinggil sa pagbibitiw umano sa pwesto.

Ayon kay Bersamin, hindi siya nag-resign at isang malapit na kaibigan lamang ang tumawag upang ipaalam na kailangan na niyang umalis bilang Executive Secretary.

Taliwas ito sa anunsyo ng Presidential Communications Office na nagsumite raw siya ng resignation kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang tanging dokumentong nilagdaan niya ay isang liham na tumatanggap sa prerogatibo ng pangulo na palitan siya, na pinirmahan niya lamang Martes ng hapon.

Nauna pa aniya ang anunsyo kaysa sa anumang pirma, kaya siya mismo ang huling nakaalam sa sariling “pagbibitiw.”

Kinumpirma rin ng dating opisyal na nakausap niya si Pangulong Marcos matapos lumabas ang anunsyo, ngunit hindi na niya idinetalye ang kanilang pag-uusap dahil sakop pa raw iyon ng confidentiality.

Facebook Comments