Dating Executive Secretary Victor Rodriguez, kinumpirma na ang kaniyang tuluyang pag-alis sa administrasyong Marcos

Kinumpirma na ngayon ni dating Executive Secretary Atty. Victor “Vic” Rodriguez na tuluyan na siyang umalis sa administrasyong Marcos.

Sa inilabas na official statement ni Atty. Rodriguez, sinabi nito na mahaba-haba ang naging pag-uusap nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa hangad niyang magkaroon ng maraming oras at panahon sa kaniyang pamilya.

Isang desisyon aniya na maluwag at masaya niyang ginawa.


Dagdag pa ni Atty. Rodriguez, binigyang-halaga niya ang “privilege communication” nila ni Pangulong Bongbong Marcos na siyang dahilan kung bakit hindi aniya siya nagsasalita hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa dati niyang posisyon.

Ayon pa kay Atty. Rodriguez, kinikilala niya ang namagitang ugnayan nila ni PBBM bilang pagkakaroon ng respeto sa Office of the President (OP) at Office of the Executive Secretary.

Sinabi pa niya na kahit pa siniraan siya, minaliit, pinagtawanan, pinaratangan na walang basehan na akusasyon at hindi patas na mga komentaryo sa iba’t ibang “communication platforms” ay mas pinili niya na manahimik na lamang at manatili na malinis ang konsensya.

Binigyang-diin ni Atty. Rodriguez na isang malaking karangalan ang makapagsilbi sa bayan at siniguro niya na magpapatuloy ang kaniyang paglilingkod sa pribadong kapasidad bilang isang normal na mamamayan sa abot ng kaniyang makakaya.

Sa huli, patuloy na hinikayat ni Atty. Rodriguez ang publiko na suportahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ang ating bansa.

Facebook Comments