
Nagsampa ng kasong cyber libel sa Quezon City Prosecutor’s Office si dating Finance Usec. Cielo Magno laban sa social media personality na si Allan Troy o mas kilala sa tawag na Sass Rogando Sasot.
Sa kaniyang Facebook page, sinabi ni Magno na katulad ng maraming iba pa, naging biktima rin siya ng mga maling pag-aakusa sa mga Facebook post ni Sasot.
Ayon pa kay Magno, panahon na upang gumamit ng legal na hakbang upang tuldukan ang impunity o paninira sa social media nang walang napaparusahan.
Umaasa si Magno na sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso ay dahan-dahang maibalik ang kultura ng pagiging maingat sa mga ipinapahayag at upang maibalik ang pananagutan o accountability at good governance.
Ang aksyon ni Magno ay kasunod ng isinagawang imbestigasyon ng tri-committee ng Kamara kaugnay ng online disinformation.
Isa si Sasot sa mga vlogger at social media personality na inisyuhan ng subpoena para dumalo sa pagdinig ng Komite.