Manila, Philippines – Itinanggi ni dating MRT-3 General Manager Al Vitangcol na may pananagutan siya sa palpak na kontratang pinasok ng MRT para sa pagbili ng 48 coaches na hindi nagagamit hanggang sa kasalukuyan.
Sa halip ay idiniin nito ang mga lumagda at nag-apruba ng kontrata na dating opisyal ng DOTC na si dating Sec. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya at iba pang opisyal.
Ayon kay Vitangcol hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon ang Ombudsman sa kasong isinampa nito sa mga nabanggit na dating opisyal ng DOTC na ngayon ay DOTR.
Lumabas din sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe na nakakatanggap ang isang dating mataas na opisyal ng DOTR ng komisyon sa bawat kontrata sa Metro Rail Transit-3.
Ito ang inamin ni Vitangcol kung saan nakikialam ang isang Marlo Dela Cruz sa kontrata sa MRT-3 na nagpakilalang miyembro ng Liberal Party sa lalawigan ng Ilocos.
Inamin din ni Vitangcol sa pagdinig na sinabi sa kanya ni Marlo na makakatanggap ng 5% ang isang dating mataas na opisyal ng DOTR kapag pinagbigyan ito sa kontrata sa MRT.
Sa kabila ng pag-amin ni Vitangcol hindi naman nito masabi kung sino ang mataas na opisyal ang tinutukoy ni Dela Cruz .
Si Vitangcol ay nahaharap sa kaso ngayon sa Sandiganbayan ukol sa umanoy pangingikil sa isang ambassador ng Czech Republic kapalit ng pagpabor sa kontrata sa MRT.