Kinasuhan na kanina ng mga kasong Serious Illegal Detention, Serious Grave Threat, Illegal Possession of Explosive Device, Illegal Possession of Firearms At Frustrated Murder sa San Juan Prosecutors Office si Alchie Paray na nanghostage sa mahigit limampong katao sa Virra Mall Greenhills San Juan noon Lunes.
Si Paray ay dating guardia ng Virra Mall na naghostage ng mahigit limampong katao noong Lunes kung saan una ng isinailalim sa drug test at nag negatibo naman sa drug examination. Ibig sabihin nito, hindi lulong sa anumang illegal drugs ang suspek na gawin niya ang panghohostage sa mga empleyado ng nasabing Shopping Mall.
Ayon kay San Juan Chief of Police Col. Jaime Santos hindi sila nagpadalos dalos sa pagsasampa ng kaso laban kay Paray kay tumagal ng ilang araw bago nila sinampahan ng patung patong na kaso.
Matatandaan na isa sa mga dahilan ng matagal na pag suko ni Paray ay ang pagmamatigas ng mga Security Officer ng Vira Mall na magbitiw sa kanilang pwesto.
Paliwanag ni Santos kinakailangan pang kausapin ang pangulo ng mall upang piliting magbitiw sa pwesto ang mga taong hinihiling pagbitiwin ni Paray.
Una ng sinabi ni San Juan Mayor Francis Zamora na hindi daw siya papayag na hindi magbitiw sa pwesto ang mga taong hinihingi ng suspek lalo pa at maraming hostages ang nalalagay sa alanganin.