Diversionary tactics ang nakikitang rason ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janette Garin sa panibagong kaso na isinampa laban sa kanya at ilang opisyal ng pamahalaan may kaugnayan sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Garin na layon nitong siraan ang Dengvaxia vaccine upang makahingi ng danyos perwiso ang mga nagrereklamo.
Giit ni Garin, tanging ang Pilipinas lang ang nagrereklamo sa nasabing anti-dengue vaccine, gayong napatunayan ng mga experto sa siyensya sa World Health Organization na epektibo, ligtas at hindi nakamamatay ang Dengvaxia vaccine.
Kasabay nito, tiwala si Garin na mababasura lamang lahat ng kasong isinampa laban sa kanya lalo na’t walang maipresentang ibidensya ang grupo ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta na direktang nagpapakita na ang Dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng ilang estudyanteng umanoy naturukan ng anti-dengue vaccine.
Nabatid na 99 na bagong kaso ang isinampa laban kina Garin, Health Sec. Francisco Duque III at 37 iba pang mga respondent.