Nagbabala si Iloilo Rep. Janette Garin kaugnay sa pagiging kampante ng mga nabakunahan ng COVID-19 vaccine.
Ang babala ng kongresista ay bunsod ng mga report na marami na sa mga naturukan ng unang dose ng COVID-19 vaccines ay hindi na nagsusuot ng face masks at naging kampante na rin sa sarili at sa paligid.
Iginiit ni Garin, sa mga nabakunahan na hindi agaran ang proteksyon na ibinibigay ng bakuna.
Giit ng dating health secretary, kailangang maging maingat pa rin kahit nabakunahan na ng panlaban sa COVID-19.
Paliwanag ng mambabatas, mangangailangan pa kasi ng sapat na panahon bago umepekto sa isang tao ang itinurok na antibodies sa katawan laban sa virus.
Kahit aniya nabakunahan na ay maaari pa ring maimpeksyon ng sakit kaya naman walang puwang ang pagiging kampante lalo pa’t naririyan ang presensya ng mga variant na mas madaling makahawa.
Payo ng kongresista na isa ring doktor, ang mga nabakunahan na partikular ang mga naghihintay ng second dose ng bakuna ay dapat pa ring maging maingat at sundin ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pagsunod sa social distancing.