Caloocan City – Nanindigan si dating Caloocan COP Sr. Supt. Chito Bersaluna na talagang runner sa iligal na droga ang kontrobersyal na grade 11 student na si Kian Delos Santos na napatay ng mga pulis sa isinagawang drug operation sa Caloocan City.
Ayon kay dating Caloocan COP Sr. Supt. Bersaluna, huli na nilang nalaman na tulak pala sa ipinagbabawal na gamot si Kian matapos maaresto nila ang asset na nagturo sa grade 11 student na napaslang ng mga pulis.
Una nang kinumpirma ng NBI na palabas lamang ang ginawang pag-aresto ng Caloocan Police sa asset na nagturo kay Kian Delos Santos bilang isang drug runner.
Ayon sa NBI, pinalabas ng Caloocan Police na katransaksyon ni Kian sa iligal na droga ang asset na si alyas Nono.
Layon anila nito na mapagtakpan ang krimen na nagawa ng mga pulis.
Pero iginiit ni Sr. Supt. Bersaluma na dumaan sa validation sa kanilang mga asset na kumpirmado umanong runner si Kian.
Nirerespeto umano nito ang naging pahayag ng NBI dahil ito umano ang kanilang version pero mayroon din silang hawak na matibay na testigo na sinasabing runner si Kian.
Kahapon kinasuhan na ng NBI sa Department of Justice ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian Delos Santos.