Pinag-aaralan ngayon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga benepisyong maaaring ibigay sa mga Angkas rider matapos na makipagpulong sa Angkas Headquarters sa Cainta, Rizal.
Ayon kay Cayetano, tututukan nito ang mga hinaing na idinudulog sa kaniya ng mga riders lalung-lalo na ang usapin ng legalisasyon ng motorcycle taxi kung saan nais ng mga riders na maisabatas ang motorcycle taxi.
Aniya, tutulungan niya ang mga motorcycle rider na malegalize ang mga ito sakaling papalarin siyang manalo sa halalan.
Paliwanag ni Cayetano, sakaling manalo siya sa darating na eleksyon, pag-aaralan nito kung ano ang maaari niyang maitutulong upang mabigyan ng magandang kita o benepisyo ang mga naturang rider.
Matatandaan na malaking papel na naiaambag ng mga motorcycle riders matapos na ilockdown ang buong Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic.
Binigyang diin pa ni Cayetano na pakikiusapan niya ang iba’t-ibang local government unit (LGU) na ilibre ang mga Angkas driver sa mga medical check up gaya ng ginawa niya sa Taguig City kung saan libre ang mga tricycle driver sa check up.