
Paiimbestigahan ng Malacañang si dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson dahil sa umano’y inciting to sedition matapos nitang himukin ang mga kabataan na mag-boycott ng klase hanggang hindi nagbibitiw ang mga opisyal ng pamahalaan na sangkot umano sa maanomalyang proyekto.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, malinaw na panawagan ito para mag-alsa laban sa administrasyong Marcos, na maaring magdulot ng kaguluhan.
Dagdag pa ni Castro, sinabi mismo ni Singson na hayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na sumama sa “rebolusyon laban sa korapsyon.”
Dahil dito, pinasisilip ng Palasyo sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), at Philippine National Police (PNP) na suriin ang pahayag ni Singson at tukuyin kung may sapat na batayan upang sampahan siya ng kaso.
Kung mapatunayang may basehan, posibleng harapin ng dating gobernador ang mabigat na paratang ng inciting to sedition na may kaukulang parusa sa ilalim ng Revised Penal Code.









