Dating Immigration Deputy Commissioner Red Mariñas, itinurong mastermind ng ‘pastillas’ scam

Si dating Immigration Deputy Commissioner Marc Red Mariñas umano ang lider ng pastillas group na nasa likod ng ‘pastillas’ scam sa Bureau of Immigration (BI).

Ito ang ibinunyag ng whistleblower na si Immigration Officer 2 Jeffrey Dale Ignacio sa kanyang pagharap sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros.

Si Ignacio rin ang testigo laban kay NBI Legal Assistance Section Chief Atty. Joshua Capiral na nahuli sa entrapment operations dahil sa pagtanggap ng suhol mula sa mga akusado sa “pastillas” scam.


Kwento ni Ignacio, nang mabunyag ang scam ay pinadalhan sila ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) pero hindi nila ito sinagot alinsunod sa payo ng isang Atty. Joel Ferrer at ng anak nito na si Jeffrey Ferrer na sa pagkaka-alam niya ay abogado ni Mariñas.

Binanggit pa ni Ignacio na nagkaroon din sila ng pulong kasama si Mariñas at sinabing may contact na sila sa Ombudsman pero kailangan nilang magbigay ng 100,000 pesos sa NBI.

May mga screenshot pa ng text messages na ipinakita si Ignacio sa Senate hearing sa isa pang Immigraton officer na si Fahad Calaca na nagsasabing sasagutin ni Mariñas ang 100,000 pisong ibinayad nila para hindi makasuhan.

Pero ginawa lang daw pala silang shield dahil nakasuhan sila pero ligtas si Mariñas.

Dahil hindi naman sumipot sa pagdinig ay ipina-contempt ng Committee sina Mariñas, ang ama nitong si Maynardo na dating head ng NBI Special Operations and Communications Unit at mga Immigration officers na nagngangalang Totoy Magbuhos at Danieve Binsol.

Facebook Comments