Humarap ngayon sa pagdinig ng quad committee ang dating intelligence officer ng Bureau of Customs (BOC) na si Jimmy Guban.
Kanyang ibinunyag na sangkot umano sa bilyong pisong shipment ng iligal na droga noong 2018 sina Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte, Mans Carpio na mister ni Vice President Sara Duterte at Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Direkta silang isinasangkot ni Guban sa P6.8 billion na halaga ng shabu na laman ng magnetic lifters na nakalusot sa Manila International Container Terminal.
Sabi ni Guban, bago siya tumestigo noon sa Senate Blue Ribbon Committee ay may kumausap sa kanya na isang Paul Gutierez na staff daw ni dating DENR Undersecretary Benny Antiporda.
Sabi ni Guban, inutusan siya umano ni Gutierez na huwag banggitin ang naturang mga pangalan dahil magkakaibigan sila at taga-Malakanyang sila.
Sabi ni Guban, binantaan ang buhay niya at tinakot din umano siya na dudukutin ang anak niya na alam ang kinaroroonan.
Sabi ni Guban, ito ang dahilan kaya pinalabas nyia na si dating police Colonel Eduardo Acierto ang nasa likod ng naturang shipment ng shabu pero ito ay binawi na niya sa kanyang testimonya sa korte.
Si Guban ay dumating sa pagdinig na gwardyado ng mga awtoridad, naka-bullet proof vest at nakasuot din ng Kevlar helmet.
Hiniling niya sa komite na bigyan siya ng immunity laban sa prosecution, ilagay sa hurisdiksyon ng Kamara o sa Witness Protection Program dahil ang kanyang testimonya ukol sa talamak na operasyon ng iligal na droga ay seryoso at maghahatid ng panganib sa kanyang buhay.